
Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!
Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.
Visit Suniway.ph to learn
Sa isang mall sa Malolos, Bulacan, kami unang nagtagpo ni Ginang Mercedita “Dittz” Centeno de Jesus isang tanghali noong Hunyo. Ilang araw na lang ay babalik na siya sa Bologna, Italy, kung saan siya nagtatrabaho; tagapag-alaga siya ng tatlong bata at isang matanda. Ika-36 na anibersaryo nilang mag-asawa noong araw na iyon, at kahit na naiwan sa Italy ang mister niyang si Generoso, dumaan siya sa isang fastfood chain para mag-take-out ng tanghalian.
Kasama ni Dittz ang kanyang anak na si Hydee, 35, at apong si Knyte. Limang taong gulang si Knyte, patakbo-takbo sa mall, binabalik-balikan ang laruang gusto sanang ipabili sa ina. Umiyak ang bata nang maglakad na kami papunta sa pila ng tricycle na maghahatid sa amin sa bahay nila. Pero tumahan ito nang buhatin ng lola — Mama ang tawag niya kay Dittz. Dahil niyakap at inalo, nakangiti na si Knyte pagbaba namin sa tricycle.
“Dito tayo, mainit sa loob,” sabi ng ginang. Pinaupo niya ako sa preskong bahagi ng kanilang tahanan. Sa dingding ay may nakasabit na tarpaulin. “Surface Bazoo,” nakasulat sa tabi ng larawan ng isang lalaking maganda ang ngiti. Si Bazoo ay si Gene Roz Jamil de Jesus (o Hadji sa kanilang pamilya), ang 29 taong gulang na bunsong anak ni Dittz na dinukot higit dalawang taon na ang nakakaraan.
‘Iba na ang panahon ngayon’
“OFW pala kayo eh. Kaya siguro hindi ’nyo alam ang ginagawa ng anak ninyo. Ganoon ho kasi ang mga OFW, nagiging adik ang anak dahil napapabayaan.”
Hindi makapaniwala si Dittz sa kanyang narinig mula sa isang pulis noong hinahanap nila si Bazoo. Nagpabaya nga ba siya dahil nasa malayo?
Taong 1990 nang unang mag-OFW ang mister nya; limang buwang gulang pa lang ang kanilang panganay. Nang muling umuwi si Generoso, halos anim na taong gulang na ang bata. Ganoon din ang nangyari kay Bazoo — pitong buwan pa lang nang umalis ang ama. Kailangan pa ng dagdag na kita, kaya sumunod si Dittz sa Italy noong 2004, at iniwan ang mga bata sa lolo at lola.
Ipinetisyon nila ang mga bata: edad 13 si Bazoo nang maaprobahan ang kanyang papeles. Maaari na siyang tumira doon, pero gusto raw umuwi sa Pilipinas. Iginalang nina Dittz at Generoso ang pasya ng anak.
Aktibista kasi ang mag-asawa noong kolehiyo: pareho silang tapos ng architecture sa Bulacan College of Arts and Trades (ngayon ay Bulacan State University) noong 1980s. Editor in chief ng pahayagan at bahagi ng College Editors Guild of the Philippines si Dittz, at League of Filipino Students naman si Generoso.
Nang magkapamilya’t mangibang-bansa, akala ng mag-asawa ay titigil na sila sa aktibismo, at tapos na ang kabanatang iyon ng kanilang buhay. Pero lumaking mulat ang kanilang mga anak: si Bazoo, kumuha ng AB Communication, major in journalism, sa UP Baguio. Cum laude. Siya ang nagsalita sa lightning rally noong kanilang pagtatapos noong 2016.
Hindi na nagtaka ang mga magulang nang sabihin ng anak na gusto nitong manatili sa Baguio sa halip na umuwi sa Malolos. Nag full-time ito sa mga adbokasiya tulad ng karapatan ng indigenous peoples, kalikasan, at iba pang usaping lupa sa Cordillera at karatig-lugar.
“Ano pa nga ba ang magagawa ko?” sabi ni Dittz. Ang mga isyung ipinaglalaban ng anak ay hindi nalalayo sa mga isyung isinulong nila noong kanilang kabataan.
Nagpaalala lang si Dittz kay Bazoo: “Mag ingat ka, anak. Iba na ang panahon ngayon.’”
‘Next time’
Malapit si Dittz sa dalawang anak dahil sa mahabang panahong sila-sila lang ang magkakasama, bago siya mangibang-bansa. Bitbit niya ang mga ito saan man siya magpunta. Naaalala rin niya na sa tuwing nagbabakasyon siya sa Pilipinas, kaligayahan na nilang pumunta sa bookstore. Kapag kulang ang budget, itatago nina Bazoo sa likod ng bookshelf ang napusuang aklat, para balikan sa ibang araw.
“Next time!” ang sabi nila, kahit madalas, hindi naman talaga nababalikan o nagkakaroon ng sapat na pera.
Naging makulay ang buhay-Baguio ni Bazoo. Naging aktibo sa mga student organizations. Tumulong sa mga hinaing ng non-teaching personnel sa UP. Kumandidato sa student council. Nagsulat para sa Northern Dispatch. Pinayuhan siya ng inang kumuha ng masters degree, pero saka na lang raw. “May panahon para mag-aral muli,” ang sagot raw ni Bazoo kay Dittz. Ito raw ay panahon muna para sa mga nangyayari sa ating lipunan.
Sa kabila ng seryosong pag-iisip, isang tipikal na kabataan rin si Bazoo. May mga panahong nagpakulay at nagpahaba ito ng buhok. Humanga sa isang boy band, ang BGYO. At, ayon sa mga kaibigan, si Bazoo ay mabait, malambing, malalim mag-isip, magaling makinig, at mahilig magpayo.
Kaya naman hindi na rin nangiming magkuwento si Dittz tungkol sa sarili nyang mga gawain doon sa malayong bayan. Halimbawa, naikuwento niya kay Bazoo na silang mag-asawa ay muling naging aktibo sa komunidad, kahit nasa ibang bayan. “Sige lang, Ma, ituloy mo iyan,” paghihikayat ng anak.
Natuwa rin ang anak nang kanyang ibalita ang pagkakaroon niya ng solo exhibit sa konsulado ng Pilipinas sa Milan. Pinamagatang A Woman’s Passionate Journey ang kanyang exhibit noong 2019, na nagtampok ng kanyang mga ipininta at mga damit na idinisenyo at tinahi, pati ang kanyang mga tula.
Dahil sa teknolohiya, nanatiling malapit ang pamilya sa isa’t isa sa kabila ng pisikal na distansiya. Alam ng mag-asawang umuwi na sa Malolos si Bazoo at magkasama na uli ang magkapatid. Naging magiliw itong tiyo kay Knyte. At nang dukutin si Bazoo, pinag-iisipan nitong umupa ng silid sa Quezon City para mapalapit sa opisina ng Task Force for Indigenous Peoples’ Rights (TFIP), kung saan siya communications officer. Nabanggit na niya ang planong ito sa ina.
‘Hindi siya naglayas’
Pero nangyari nga ang di inaasahan.
Abril 27, 2023, nang lumuwas si Bazoo ng Maynila upang lakarin ang kanyang pasaporte sa DFA. HIindi na ito nakauwi. Sa kanyang post sa social media ay nagpahiwatig na patungo ito sa gawing Rizal, ayon sa ina. Hindi na rin niya nagawang mag-report sa opisina o makipagkita sa mga kaibigan sa Bulacan. Gabi ng Abril 28, wala na siyang tugon sa mga text at tawag sa telepono. Mayo 1 nang magpasiya ang mga taga-TFIP at ang Karapatan National na ihayag nang opisyal na nawawala si Bazoo.
“Sa inisyal na imbestigasyon nila, may dinalaw itong Igorot sa may Taytay, Rizal. Ayon sa ulat na nakalap ay hinarang diumano ang sinasakyan nilang tricycle ng mga lalaking sakay ng puting van papasok sa subdibisyon. May nakuha din silang malayuang kuha ng CCTV. Ilang araw pa ang lumipas nang makuha ang pagkakakilanlan ng kasama niyang nawala, si Dexter Capuyan, na isa ring aktibista mula pa noong
’80s,” salaysay ni Dittz.
Nagpaalam si Dittz sa mga Italyanong amo para makauwi agad sa Pilipinas. Ilang linggo silang naghanap, kasama ang pamilya ni Dexter, mga taga-Karapatan at Cordillera Human Rights Alliance. Tinungo nila ang iba’t ibang kampo ng militar sa Rizal province, Maynila, Cordillera, at Tarlac. Pumunta sila sa mga police station, CIDG, ospital, at iba pang lugar na posiblleng pinagdalhan sa dalawa. At dito na nga nakarinig si Dittz ng mga komentong napabayaan daw nila ang kanilang anak dahil sa sila ay mga OFW. Aktibista daw kasi si Bazoo na kumakalaban sa gobyerno kaya madadampot nga.
Inabot ng Hunyo 2023 si Dittz sa Pilipinas, naghihintay na umusad man lang ang mga petisyon habang hindi pa nakikita si Bazoo. Pero kinailangan na niyang bumalik sa kanyang trabaho sa Italy, gaano man kabigat ang kaniyang loob. Hindi nagtagumpay ang kaso nila para sa writ of habeas corpus. Huli na nang lumitaw ang isang affidavit ng tricycle driver na diumano’y nasakyan nina Bazoo. Nitong Abril hanggang Hunyo 2025, muling nakauwi si Dittz at nakadalo sa tatlong hearing sa korte para sa nakahaing petisyon ng writ of habeas data at amparo.
Patuloy ang paghihintay.
Kung paano magpatuloy
Kunsabagay, bago pa man nawala ang anak ay aktibo na siya sa mga gawaing sibiko sa Italy. Isa ito sa mga unang bansang lubhang naapektuhan ng COVID-19. Dahil maraming Pilipino ang nawalan ng trabaho, nagbigay ng mga dressmaking workshop si Dittz at nanahi rin ng mga facemask noong panahong nagkakaubusan nito. Inalam nila kung sino ang mga Pilipinong dinapuan ng sakit at ipinaalam sa Overseas Workers Welfare Administration para mabigyan ng tulong.
Naging secretary-general siya ng OFW Watch Italy nang dalawang termino at naging pangulo ng Federation of Filipino Associations in Bologna o FEDFAB, kung saan ay nahalal siya ilang araw bago dukutin si Bazoo. Sa kasalukuyan ay patuloy siya sa pagganap ng katungkulan bilang founding president ng Filipino Women’s League at chairperson ng Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities o ERAFILCOM. Aktibo silang mag-asawa sa gawaing-simbahan. Sa ngayon ay chairman naman ng Migrante-Bologna ang kanyang asawa.
Tunay ding nailigtas siya sining — bilang makata, pintor, at eskultor. Sa Facebook ay sumusulat siya ng tula para kay Bazoo tuwing ika-28 ng buwan para markahan ang pagkakadukot dito. Sa ilalim ng pangalang MaDittz, kabilang ang kaniyang gawa sa XIV Florence Biennale 2023, ilang buwan lang matapos mawala ang kanyang anak. Halos hindi na nga siya tumuloy dito, pero binigyan siya ng dagdag na oras para maipasa ang kanyang gawa. Ang kanyang obrang “My Son, My Refuge” ay nagpapakita ng pagmamahal ng isang ina sa kanyang bunsong anak. Samantala, ang kanyang obrang “Whang-od” ay ilang beses na ring naitanghal sa iba’t ibang lugar kabilang na sa Konsulato ng Milan.
Ang mga ganitong gawain ang nagbibigay-lakas kay Dittz para harapin ang nangyari sa kaniyang pamilya, at ang patuloy na kawalang kasiguruhan tungkol sa sinapit ng anak.
“Hirap na hirap ako, pero pinipilit ko, kaysa maloka ako,” aniya.
Pagmamahal at pag-asang mapangahas
Bago siya nawala, si Bazoo ang nag-enganyo sa ina na ituloy ang pagpapaayos ng kanilang bahay. Ito na ang sinisikap ng mag-asawang De Jesus gayong tapos na sa pag-aaral ang dalawang anak. Ilang taon na lang, magreretiro na sila at uuwi para makasama ang mga mahal sa buhay.
Ibinilin na ni Dittz ang mga naipundar kay Hydee — basta ang kalahati, aniya, ay nakalaan kay Bazoo.
Si Bazoo rin ang nangako sa inang siya ang makakasama nito sa kaniyang pagtanda. “Bakit, wala ka bang balak mag-asawa?” pabiro niyang tanong sa anak. Ngiti lang ang isinagot nito.
Sa edad nilang 60 at 59, nagsisikap sina Dittz at Generoso na manatiling malusog. Hindi raw nila dapat pabayaan ang kanilang mga sarili. Gusto nilang maging malakas pa kapag ibinalik si Bazoo.
Inihatid ako ni Ma’am Dittz sa sakayan pabalik ng Maynila. Sa limang araw na natitira bago siya lumipad pabalik sa trabaho, ang dami pa raw niyang gagawin. May dadaluhang salu-salo, may despedida swimming, may damit ng kamag-anak na tatapusing tahiin. Maghahatid-sundo kay Knyte sa tutorial session nito. Tuloy ang buhay kahit may higanteng butas sa kaniyang damdamin.
Tumalikod na si Dittz pagsampa ko sa bus. Babalik daw siya sa mall para bumili ng yogurt drink na pambaon ng apo. Pagkatapos ay uuwi siya sa kanilang bahay at uupo sa puwestong malapit sa tarpauling may mukha ng kanyang anak. Ibinabandera nito ang kaniyang poot sa sistema, oo, pero ang kaniya ring mapangahas na pag-asa na muling mayayakap ang kanyang si Hadji. – Rappler.com