[In This Economy] Ubenomics

1 hour ago 2
Suniway Group of Companies Inc.

Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!

Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.

Visit Suniway.ph to learn

Hayok na hayok ngayon ang mundo sa ube, mula sa US, UK, at Japan. Noong 2025, umabot na raw sa lagpas $3 milyon ang export natin ng ube—higit doble sa exports natin noong 2024. Sinasabing baka ito na ang maging bagong matcha.

Ngunit kamakailan, binigyang-pansin ng celebrity chef na si Erwan Heussaff ang paghigpit ng supply ng ube, at isiniwalat ang umano’y kurapsyon, gatekeeping, at pamemera ng mga sangkot sa produksyon ng ube dito sa Pilipinas.

Maganda naman na pinupunto ni Erwan ang kalagayan ng mga magsasaka ng ube. Pero may mas simpleng dahilan sa isiniwalat niyang “exposé”: hindi ito misteryosong shortage, kung hindi simpleng issue ng supply at demand.

Tuwing mabenta ang isang produkto o serbisyo, natural lang na tumaas ang presyo nito. Basic lesson sa economics. Ang presyo kasi ay senyales ng “scarcity” ng isang bagay—tulad na lang ng pagpalo ng presyo ng gasolina at diesel noong Marso at Abril dahil sa giyera sa pagitan ng US at Iran.

Pagdating sa ube, sadyang 8 hanggang 10 buwan ang inaabot bago anihin ito, kaya naman kapag may bagong ube trend sa foreigners, hindi talaga agad-agad makakahabol ang supply. 

Kung tutuusin, ang pagtaas ng presyo ng isang produkto o serbisyo ay makabubuti sa kung sino man ang nagbebenta nito. Oportunidad sana ito para palakasin ang ating exports. Marami tayong puwedeng kitain sa pagkahumaling ng mga foreigner sa ube.

Pero may mga hadlang sa pag-asenso natin mula sa ube craze na ito, na tinatawag din na “purple rush.”

Una, kompetisyon. Upang maki-ride sa bagong kasikatan ng ube, pumoposisyon ngayon ang Vietnam para mag-export na rin nito. Ayon sa agricultural economist na si Fermin Adriano, may sariling ube version na ibinebenta ngayon ng Vietnam (Ben Ke ang tawag). At nagse-secure na ngayon ang Vietnam ng “geographical indication protection” para sa Ben Ke. Pag nakuha nila ito, maaaring mabawasan ang claim natin sa uniqueness ng Pinoy ube, at Vietnamese Ben Ke na ang maaaring mas sumikat. 

Maganda kung makakakuha din tayo ng geographical indication protection para sa sarili nating ube. Pero kailangan nito ng mas matinding research hinggil sa lupa, klima, at produksyon ng ube sa Pilipinas—at sa ngayon ay ang umuusad pa lang ay ang application ng Bohol government para sa sarili nilang ubi kinampay.

Pangalawa, karamihan ng dagdag sa presyo ng ube ay napupunta sa mga middlemen at hindi sa mga magsasaka ng ube. Hindi na ito kagulat-gulat dahil karamihan naman sa atin ay hindi kumokonsumo ng ube na root crop mismo, kung hindi ang naproseso nang produkto mula rito, tulad ng ube jam at ube halaya. Pero hanggang hindi ramdam ng ube farmers ang pagtaas ng presyo ay hindi sila aasenso mula rito—at hindi rin sila gaganahang magtanim nito.

Para sa maraming magsasaka, ang ube ay secondary o supplementary crop. Ibig sabihin, hindi ito ang major source of income nila, at mas maliit ang kita kumpara sa mga “cash crops” tulad ng mais o saging o tubo.

Lumalabas din sa datos na sadyang humihina pala ang produksyon ng ube noong 2025, kasabay ng paglaki ng demand para rito. Mula 2024 hanggang 2025, bumaba ang produksyon ng fresh ube nang 6.7%, at lumiit din ang lupaing ginagamit sa pagtatanim nito nang 17%. Buti na lang tumaas naman ang yield o produksyon kada hektarya—ngunit kailangan pang palakasin ito.

Isang problema ay napabayaan talaga ng Department of Agriculture o DA ang minor crops tulad ng ube. Humigit-kumulang halahati kasi ng budget ng DA ay napupunta sa iisang produkto lamang: bigas. Medyo napapabayaan ang ibang crops tulad ng ube.

Kaya ba nating masabayan ang ube craze?

Sabi ng iba, simple lang ang solusyon: magtanim lang tayo ng maraming ube! Ngunit hindi iyon masyadong strategic.

Dapat hindi tignan ang ube bilang produktong pang-export lamang. Sa halip, mas maganda kung maco-corner natin ang malawak na “global value chain” ng ube: mula sa mga binhi, pagtatanim, pagpoproseso, pagba-brand, at distribusyon sa global market. 

Susi sa mas malaking produksyon ng ube ang research and development. Maaari sanang i-mass produce ang ube gamit ang tissue culture. Ngunit ang buong cycle nito ay inaabot daw ng 2.5 taon, at pagdating ng panahon ay baka hindi na kasing-sikat ang ube. Sa ngayon ay nagdedevelop na rin ang UP Los Baños ng mas magandang varieties ng ube. Pero hindi rin agad-agad ito.

Kailangan din ay mas maka-angkla tayo hindi lang sa hilaw na ube, kung hindi sa mga produktong mas mataas ang halaga tulad ng ube paste, powder, flavor extracts, at maging food coloring na mas madaling iimbak at i-transport patungo sa mga bakery, cafe, at manufacturers sa ibang bansa.

Upang mangyari ito, kailangan ng mas matinding suporta mula sa gobyerno para sa research and development, storage and processing facilities, pagtalima sa export sanitary standards. Si Senador Kiko Pangilinan ay may panukala ngayong palakasin ang gastos ng DA sa ube development para sa 2027. Gayun pa man, hindi kayang buhatin ng DA ang buong sektor ng ube production. Pribadong sektor pa rin ang bibida.

Kailangan din pagtuunan ng pansin ang tatak ng ube bilang sariling atin. Kung hindi, maraming ibang bansa na maaaring mag-angkin nito. Napakahalagang maka-secure tayo ng geographical indication approval. 

Hindi forever ang ube craze. Sa ilang buwan o taon lamang, baka magsawa na rin ang foreigners. Kung hindi natin maaayos ang ube global value chain, maaaring maulit ang isang pamilyar na kuwento: parte ng kulturang Pilipino na sumikat sa ibang panig ng mundo, pero ang pinakamalaking bahagi ng kita ay mapupunta sa iba. – Rappler.com

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an associate professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.

His first book, False Nostalgia: The Marcos “Golden Age” Myths and How to Debunk Them, was published by Ateneo de Manila University Press in February 2023. His second book, Twin Plagues: How Duterte and Covid-19 Wrecked the Philippine Economy, will be published by Penguin Random House SEA in June 2026.  Follow him on Instagram (@jcpunongbayan).

Here are other In This Economy pieces you may have missed:

Click here for other In This Economy articles.

Read Entire Article