[OPINYON] Kung buháy si Emilio Jacinto ngayon sa gitna ng nakalululang korupsiyon 

1 hour ago 1
Suniway Group of Companies Inc.

Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!

Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.

Visit Suniway.ph to learn

Already have Rappler+?
to listen to groundbreaking journalism.

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Kung buháy si Emilio Jacinto ngayon sa gitna ng nakalululang korupsiyon 

Kapag umaasa táyo masyado sa mga bayani bilang problem solver o superhero ng bayan, parang kinukulang táyo sa sipag at sigla para lutasin mismo ang mga problema ng Filipinas

150 years old na si Emilio Jacinto (1875–1899) noong Disyembre 15 . Kasama ang grupo ko, ang LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo), sa mga nakiisa sa pagdiriwang ng kaniyang kaarawan dahil patron siya ng aming samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Maraming mahalagang mensahe ang ibinahagi ng mga panauhin. Pero may napakò sa aking binigkas na matagal ko na ring naririnig at pinag-iisipan. 

Kung buháy pa si Jacinto ngayon…

Dahil may dambana siya at doon nakalibing, iniisip ko na lilitaw mula sa lupa si Jacinto. Kalahating buháy, kalahating patay. Naguguluhan siya dahil matagal nahimbing. At nakitingin at umaasa táyo sa kaniya para sa mga sagot. Isa siyang zombayani

Umaasa táyo tuwing sinasabi nating “kung búhay si [insert bayani here]” na may gagawin sila at magbibigay ng solusyon sa ating kasalukuyang kondisyon. Bakit kayâ may ganito táyong pagkahumaling sa mga zombayani? 

Una, ideal kasi ang ating mga bayani. Ehemplo sila ng kung ano ang maaaring marating ng ating lahi. Henyo si Rizal. Matapang at matalinong rebolusyonaryo si Bonifacio. Si Jacinto ang kabataang manunulat na nagsilbing intelektuwal na puwersa ng Katipunan. Ikinakarga natin ang konsepto ng ideal na Filipino sa ating mga bayani. 

Ikalawa, kaugnay ng ideal ang kakulangan natin para sa mga hahangaan. Sino ba kasi ang mga hahangaan natin ngayon? Mga influencer at artista? Parang masyadong nakatuon sa pagkonsumo ng kasiyahan. Mga politiko? Ilang pahina kayâ ang mabubuo nating listahan ng mararangal na lingkodbayan? Sa madaling sabi, nililingon natin ang mga bayani dahil punông-punô ng mga distraksiyong mapanganib — ang tinatawag ni Jacinto na ningning — ang ating lipunan.

MABABASA / MAPAPANOOD DIN SA RAPPLER

“Ating hanapin ang liwanag, táyo’y huwag mabighani sa ningning.”

Pagtatangi ito ni Jacinto ng liwanag at ningning sa kaniyang akdang Liwanag at Dilim. Kailangan ng ating mata ang liwanag para kilatisin ang mundo sa paligid natin. Pekeng liwanag ang ningning na sumisira sa ating mata. Hindi ba hitik sa ningning ang ating paligid? Kumusta naman ang mata natin? Bakâ walang operasyong makasasagip dito. 

At iyon na rin mismo ang sagot. Dapat nating gamitin ang tatawagin kong Jacinto Lens. Kailangan nating mawari kung ano ang kinakailangan nating liwanag sa ningning. Kasama na rin diyan ang kadiliman. Isa pang tip: Puwede mo ring gamitin paminsan-minsan ang dilim kapag nakabubulag na ang ningning at liwanag.

Kayâ gamitin mo ang lenteng ito para makita kung sinisilaw lámang tayo ng mga influencer sa kanilang pakitang-rangya at mga aspirasyong hindi naman talaga makabubuti para sa atin. Kung niloloko lang din ng mga kurap ang ating paningin para ilihis ang ating atensiyon at patayin ang ating kritikal na pag-iisip habang patuloy nila tayong pinagnanakawan. 

Kahit ang zombayani mismo ay makinasyon ng ningning. Umaasa táyo masyado sa pisikal na pagkabuhay, sa bayani mismo bilang mahiwagang problem solver o superhero ng bayan. Masakit sabihin, pero parang kinukulang táyo sa sipag at sigla para lutasin mismo ang mga problema ng Filipinas kapag ganito ang ginagawa natin. 

Kapag ginamit natin ang Jacinto Lens, maaaring mawala ang mga naglalakad na zombayani sa ating mga kalye’t isipan. At ano ang makikita natin kapag ginabayan na ng liwanag? Ang napakaraming problemang dapat nating pagtuonan ng pansin at haharapin gámit ang tapang at haraya. 

Pero kung padadala táyo sa ningning at makikisama sa mga zombie, alam mo na ang mangyayari. Magiging zombie rin táyo. – Rappler.com

Sumusulat si Roy Rene S. Cagalingan ng mga tula at sanaysay. Kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Isa siyang manggagawang pangkultura.

How does this make you feel?

Loading

Read Entire Article