[Tabas ng Dila] Sining ng singit

2 weeks ago 9
Suniway Group of Companies Inc.

Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!

Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.

Visit Suniway.ph to learn

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Wala pa akong nabasang survey na bahagi ng methodology ay itanong kung sino ang isisingit mo kung sakaling hindi mo mapuno ang listahan ng iboboto sa maramihang posisyon tulad ng sa Senado, provincial board member, o mga konsehal.

Sa simula ay malamig na numero. Neutral. Wala dapat kahulugan. Gaya ng walang damdaming numero at letra ng Algebra. O sa panimulang matematika sa elementarya. Nagkakaroon ng kahulugan ang numero kapag ginamit na sa isang sitwasyon at problem-solving, sa Physics, sa Economics. Sa pagkuwenta ng budget.

Neutral din dapat ang mga numerong resulta ng halalan, mga numerong kumakatawan sa bilang ng boto, porsiyento ng bumoto o hindi bumoto, o ang ordinal placing ng kandidato sa bansa o sa isang partikular na geopolitical region o demographics. Neutral ang mga numero at nasa sa atin na kung paano ito bigyan ng kahulugan, ilapat sa konteksto, at lagyan ng kulay.

Kaya masarap makinig sa mga political pundit, sa mga bumabasa ng estadistika, sa mga nagsasagawa at nag-i-interpret ng survey at ng mismong resulta ng eleksiyon. Ang mga opinyon nila ang nagbibigay sa kanila ng kredibilidad lalo kung aligned ang sinasabi nila sa mangyayari. O, sa lagay ng resulta ng halalan, sa hindi nangyari’t inaasahan.

Posibleng basahin ang numero bilang reaksiyon sa naganap na kontrobersiya, puwedeng ilapat sa iba’t ibang isyung may kinalaman sa politika, o isisi kung may malaking pagbabago sa polisiya ng pamahalaan. Kaya maraming nagulat sa resulta ng halalan, lalo iyong umaasa sa orakulo ng survey. Hindi kasi sinalamin ng survey ang mismong resulta. May hawig din naman, kaya lang, sadyang may kagulat-gulat.

Maganda ito dahil napakalma ng resulta ng halalan ang conditioning effect ng mga survey sa botante hinggil sa kung sino ang malakas, nangunguna, malalaglag.

Hindi naman kasi exact science ang politika (sorry na sa mga nagtapos sa kursong political science). Lahat ay bahagi ng pagbasa sa nangyayari at maaaring mangyari sa hinaharap. Foreshadowing kung hindi pa nangyayari ang halalan, postmortem kapag natapos na. Gaya nito.

Kaya maaaring basahin ang neutral na numero. Halimbawa, ito ang basa ko: Nalaglag sa Magic 12 ang mga popular na kandidato dahil nagsawa ang mga botante sa pagmumukhang nakakalat kahit saan ka magpunta. Lalo iyong nakangiti sa kalsada habang nakaipit sa trapiko ang mga motorista’t pasahero. Nalaglag ang mga artista dahil natauhan ang marami na hindi maaksiyong pelikula ang serbisyo-publiko, at ang magpasuweldo ng mga laos na artista ay kalabisan na. Nanalo ang ibang kandidato dahil sineryoso ng isang sekta ang mangampanya. At heto ang isa pang take ko: May mga singit-friendly na kandidato ang nakapasok.

Dahil pumalya ang orakulo ng mga survey, ang paliwanag ko hinggil sa naging resulta ng nagdaang eleksiyon ay ang sining ng singit. Dahil sa bansa natin, kapag may nakiusap na isingit ang isang kandidato, lalo kung ang nakiusap ay hindi matanggihan, isisingit natin. Dahil sa bansa natin na ang ibang botante ay nanghihinayang kung kulang ang iboboto sa maramihang posisyon, nakakapagsingit sila.

Wala pa akong nabasang survey na bahagi ng methodology ay itanong kung sino ang isisingit mo kung sakaling hindi mo mapuno ang listahan ng iboboto sa maramihang posisyon tulad ng sa Senado, provincial board member, o mga konsehal. Madaling sabihin na isisingit ang isang kandidato kung sakaling may puwang pa para sa isa o dalawa o sa — gaya ng boto ng aming pamilya — pipitong kandidato sa Senadong laman ng aming listahan.

Magandang taliwas sa maraming survey ang naging resulta ng halalan. At maganda ring pag-isipan ang ibang numerong nakamit ng ibang kandidato.

Ibig sabihin ng numero

Walang damdamin ang numero, pero maaari tayong mag-assume na may ibig sabihin ito. Halimbawa, may mahigit sa 7 milyong kababayan natin ang bumoto kay Doc Willie Ong, na nauna nang nagpahayag ng kaniyang pag-atras sa kandidatura noon pang Pebrero. Either hindi alam ng mahigit 7 milyong Filipino na hindi na siya kandidato o sadyang todo suporta sila kahit pa wala nang halaga ng kanilang boto.

Isa pa. Mas nataasan ni Heidi Mendoza ang nakuhang boto ni Willie Revillame. Halos 200,000 boto ang lamang ni Mendoza kay Revillame. Wala itong malinaw na ibig sabihin, pero maaari nating i-interpret: Hindi magandang mamigay ng jacket kung tag-init.

Samantala, mahigit 9 milyong boto ang natamo ni Bonifacio Bosita. Kahit natalo, magandang pagnilayan din ang kaniyang numero. Gaya ni Mendoza, relatively unknown si Bosita kung ihahambing sa mga artista, boksingero, dati nang politiko (lalo na of the political dynasty kind), at mga TV at online celebrity.

Kinatawan si Bosita sa Kongreso sa ilalim ng 1-RIDER partylist. Retiradong colonel siya ng PNP na ang adbokasiya ay may kinalaman sa motorcycle rights. Social media at internet ang platform ni Bosita, na isang independent candidate. Wala siyang TV show at wala ring political capital maliban sa pagiging congressman nang isang termino.

Hindi katulad ng dalawang prominenteng kandidato na sikat ang public affairs program na lumunsad sa pagiging sumbungan ng sambayanan, mapapanood si Bosita sa mangilan-ngilang viral feeds. Nakikipagsagutan sa mga opisyal ng pamahalaan para ipagtanggol ang mga nakamotorsiklo. Malinaw ang kinatawan ni Bosita, motorcycle rider. Lalo iyong mga araw-araw nakikipagtuos laban sa init ng panahon, lubak ng kalsada, tiwaling enforcer, kuwestiyonableng polisiya, at mga kapwa motorista.

Itong mga motorcycle rider na ito ang nagbigay ng dalawang congressional seat noong 2022 sa 1-RIDER party list. At, malamang, ito ring mga rider na itong ginagamit na pang-hanapbuhay ang motorsiklo ang nangampanya at nagdulot sa kaniya ng kulang-kulang 10 milyong boto sa pagkasenador.

Hindi katulad ng ibang party list bearing marginalized sector names pero kapag sinilip ay miyembro ng political clan ang mga nominee, si Bosita, motorista talaga. Alam ang batas sa kalsada by virtue of previously serving the PNP Highway Patrol Group. Kung titingnan ang mga panukalang-batas na inihain ni Bosita sa Kongreso, tumutugon ang karamihan dito para proteksiyonan ang mga motorista.

Kaya batay sa natamo niyang botong naglagay sa kaniya sa ika-20 puwesto, sa kabila ng kawalan ng tradisyonal na makinarya at bilyong piso para manalo bilang senador, disenteng maituturing ang bilang na ito. Lalo na kung makikita ninyo kung sino-sino ang nilamangan niya. Yes, loser all the same. Pero dahil nga puwedeng basahin ang numero, puwede itong tingnan bilang positibo: kumakawala na yata ang iba sa atin sa gimik ng kampanyang parang peryahan at paramihan ng perang lulustayin.

Kung natalo lang sana ang mga kandidatong bilyong piso ang ginastos sa kampanya, puwede ko na sigurong tanggalin ang “yata.” But, then again, isipin nating maganda rin ang nangyaring hindi maaasahan ang mga survey. – Rappler.com

Propesor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya ang chairperson ng UST Department of Creative Writing. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 

Read Entire Article