[Tabas ng Dila] The Senate Snowflake Squad

1 hour ago 1
Suniway Group of Companies Inc.

Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!

Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.

Visit Suniway.ph to learn

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Sa urban dictionary, ang pagiging snowflake ay ang pagiging sensitibo at emosyonal sa mumunting komento at puna ng iba. Parang snowflake ang isang taong lubhang maramdamin. Parang literal na snowflake ang slang term na snowflake na sa kaunting galaw habang hawak, nadudurog.

Pejorative ang matawag na snowflake na hanggang ngayon ay hindi pa naman naituturing na mental health issue. Well, wala pa ang term na “snowflake” na taglay ang connotative meaning na overly sensitive. Antonym naman ng snowflake ang katatagan ng damdamin at, taken to extreme, insensitive o manhid.

Sa tanda kong ito, may alam akong tao na iniiwasang kausapin o lapitan dahil parang snowflake. Pero may mga tao na hindi natin maiiwasan, kaya hindi na lang dapat dumako sa mga usaping nakaka-trigger para maging snowflake. Wala akong value judgment kung snowflake ang isang tao, lalo na’t wala namang kinalaman sa buhay ko. Kung meron man, at kung kaya, iiwasan o mag-iingat ako.

Mahirap magkaroon ng snowflake na katrabaho, lalo’t umiikot sa kaniya ang gawain mo para magkaroon ng kabuhayan. Nakaka-stress umiwas at baka maapektuhan pa ang productivity mo, thereby, ang kabuhayan na rin. Suriing mabuti ang sitwasyon. Kaya bang iwasan? Kung hindi, may paraan ba para hindi maging maramdamin? Kung hindi talaga maiiwasan ang emotionally charged na usapan (lalo kung may sablay na sa trabaho), kaya mo bang harapin ang usapin sakaling mag-escalate hanggang human resource manager?

Mahirap maging snowflake, lalo kung ang trabaho ay humarap sa maraming tao. Gaya ng trabaho ko bilang propesor. Nakaharap sa mag-aaral mula kolehiyo hanggang gradwado. Ipinapatawag at iniimbitahan madalas ng kung sino-sino. At, oo, nakakarinig at nakakabasa paminsan-minsan ng masasakit na salita, lalo na sa social media.

Mahirap maging snowflake lalo kung senador ka. O mga senador gaya ng lagay ng Senado natin ngayon. Sa Senado, hindi maiiwasang makipagtaltalan sa plenaryo at committe hearings lalo kung ang pinag-uusapan ay welfare ng bansa at hindi welfare ng damdamin ni Robin.

Sa Senado, nakabuyangyang ang buhay ng isa’t isa, kaya naman hindi nakapagtatakang usigin at punahin, lalo na ang mga hindi pumapasok sa trabaho pero patuloy na sumusuweldo bilang senador sampu ng kaniyang lahing sumusuweldo na tila nasa family corporation ang posisyon. Si Bato na nga ang may pinakamatagal na pag-absent, siya pa ang may ganang magalit at magtaas ng boses kung bakit naisipang pumasok sa trabaho isang araw ng Lunes sa isang madilim na kasaysayan ng bansa.

May senador na tahimik lang na nakikinabang, gaya ng iba na bigla na lang nag-FB Live. Meme-worthy na ngayon ang isang senador na hindi kinumusta noong nagdaang Miyerkoles habang “under attack” ang Senado, kaya humikbi nang walang luha. Kumusta ka na nga pala, Pia? (BASAHIN: TIMELINE: Senate shooting incident)

Pa-victim rhetoric at fragile senatorial egos

Those were the days na mataas ang diskurso hinggil sa polisiyang magpapabuti sa bayan; mga debate hinggil sa kapakanan ng bansa at mamamayan. It all went down the drain nang maramdaman ng mga politikong mas madali palang matandaan at manalo kung gagamitin ang mas pangkaraniwang wika — replete with mura — at empty rhetoric ng katapangan, halimbawa ang mag-jetski sa West Philippine Sea sabay mura kay God. Speaking of God, marami na ring gumagamit ng Bibliya at nag-i-invoke kay God sa kanilang retorika.

Masaya ang sambayanang marinig sa maruruming bunganga ng maraming politiko ang mga salitang mas madaling maintindihan kesa economic and governance policy jargons. Kaya sineryoso ng politiko ang wika at retorikang mas madaling masakyan ng sambayanan gaya ng “The Senate was under attack!” or variations thereof.

Angat na angat sa retorika ang astang sanggano o banal sa mga ganitong sitwasyon. Tila matapang at may aksiyon, tila madadaan sa suntukan o dasal ang mabuting patutunguhan ng bansa. Kaya kapag nasukol sa mataas na antas ng talakayan — na hinihingi bilang gawain ng senador tulad ni Robin — magiging snowflake dahil nasigawan. Dito papasok ang pa-victim rhetoric. (BASAHIN: Filipinos urged to ‘vote better’ after Robin Padilla’s clash with Kiko Pangilinan)

Buzzword ngayon ang terminong “pa-victim.” Roughly, ang kahulugan nito ay gayong sila ang dahilan ng problema, at the end of the day, sila ang umaastang biktima sa harap ng madla. Pansinin ang mga nagdaang pangyayari mula pa noong maging sangkot ang mga senador sa bilyon-pisong nakawan ng pondong nakalaan sa flood-control project. Lahat ng politikong sangkot ay biktima lang ng pamomolitika kaya dapat silang kumustahin tuwina. (PANOORIN: What happens now to Senate flood control probe under Pia Cayetano?)

Dahil may bagong liderato sa Senado, natural na may rigodon ng mga pinuno ng committee. Walang masyadong fanfare dito dahil natural namang pagsaluhan ng mayorya ang mga committees maliban sa ilang, kung paniniwalaan ang usap-usapan, nalungkot sa hindi nakamit na posisyon kahit pa sila ang mayorya. Kung paniniwalaan naman ang maramihan, masigabo, at halos clockwork na pagkakasabay-sabay ng pag-congratulate at pag-upload ng mga state universities and colleges (SUCs), masaya nilang binabati ang bagong chairperson ng committee on higher, technical, and vocational education na si Senador Joel Villanueva.

Okay naman lahat ng ito dahil baka sadyang masaya ang pamunuan ng SUCs sa pagkakaraoon ng bagong chairperson sa katauhan ni Senador Villanueva na uupo bilang bagong kasapi ng kani-kanilang Board of Trustees, thereby may masasabi sa pagpapatupad at pagbuo ng bagong polisiya at pagpili ng pangulo ng mga SUCs. Pero hindi ito ang naging sentimyento ng maraming nakakita ng mga congratulatory post na ito sa senador na, bukod sa pagiging kasapi ng BOT, may masasabi rin sa pag-apruba ng budget ng mga SUCs na ito.

Impeccable kasi ang timing ng pagpapalabas ng congratulatory posts kay Senador Villanueva. Halos sabay-sabay. Parang may chat group talagang nagkasundo-sundong masigabong batiin ang senador. Kung ako ang senador na noong nagdaang taon lamang ay nasangkot sa kontrobersiya ng flood-control, aba, matutuwa ako sa mainit na pagtanggap sa tiyak na magiging abalang tungkulin sa bagong committee.

Nakakalakas nga naman ng pagod na damdamin ang mainit na pagbati. Pero dahil naka-public ang mga congratulatory message ng mga SUCs — dapat lang dahil walang silbi ang congratulations sa isang seasoned politiko kung walang makakasaksi — hindi maiiwasang dagsain ng public na ito ang mga social media status. Sa madaling salita, maraming negative reaction sa seemingly proud moment ng bawat SUC.

Madali naman i-off ang comments sa social media ng SUCs. Madaling hindi mabasa ang mga comments. Madaling dedmahin ang organic na puna ng tao sa lahat ng nangyayari. Dahil, bakit ba, mas maraming dahilan para lumuha ang mga senador na kabilang sa snowflake squad na itong sa mumunting bagay gaya ng pagtataas ng boses at paghahanap kapag absent, pero manhid sa totoong kalagayan ng bansa natin.

Nga pala, kumusta ka na, Senador Pia? – Rappler.com

Propesor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Kasalukuyan siyang chairperson ng UST Department of Creative Writing.

Read Entire Article