[TAMBAY] Anim na taong Biyernes Santo kapag si Sara ang nanalo?

1 hour ago 2
Suniway Group of Companies Inc.

Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!

Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.

Visit Suniway.ph to learn

Kung ambisyon ni VP Sara Duterte ang magpresidente, harapin niya ang mga bintang ng korupsiyon. Ipakita niya ang kakayahang salubungin ang unos at lumutas ng problema — hindi 'yung puro mura, joke, at patayan lang tulad nung panahon ng tatay mo. 

Para sa mga Katoliko, ngayong Linggo ng Palaspas (Marso 29) ang umpisa ng Semána Sánta o mga Mahál na Áraw. Pero kamakalawá parang napaaga ang pagbabadyá ng Biyérnes Sánto.

Nandiyan ang nakalululà at waláng hábas na pagtaás ng presyo ng petrolyo. Parang hagupit sa likod ng nagpepenitensiya ang pakiramdam ng dagdag sa halaga ng gasolina’t krudo kada araw. 

Tapos, sa panig naman ng pag-usad ng demokrasya, tila nabálam na naman ito. Dumulog na naman kasi si Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema para pahintuin ang pagsusuri ng Kamara kung dapat siyang ma-impeach. Sa mga pahayag niya sa publiko, sinasabi niyang kaya niyang ipaliwanag ang mga ibinibintang sa kanya dahil puro pamumulitika lang daw ito. Pero sa tuwing may pagkakataon siyang magbigay-linaw, hindi siya sumisipot. Mayroon lagi siyang angal sa proseso.  

At ngayong umuusad na sana ang panunuri ng Kamara kahit na absent siya, hiniling na naman ni VP Sara sa Mataas na Hukuman na busalán ang Kamara. 

Noong 2025, tumakbo din si Duterte sa Supreme Court para ipatigil ang impeachment process laban sa kanya. Kumátig sa kanya ang hukuman.

Sa isang mabilisang pulong naming magkakapitbahay nitong Sabado habang bumibili ng tahô, may nagtanong: “Bakit kaya takot humarap sa impeachment si Vice President Sara?” Napansin daw kasi niya na panay ang pag-absent ni VP.

“Kung maka-project siya, matapang at lalaban sa korapsiyon. Pero kabaliktaran ang galaw.” Ang segunda naman ng isa: “Nung nagsabi siyang tatakbo siya sa pagkapresidente, lalo pa niyang pinatitingkad ‘yung kanyang pagiging kontra-korapsiyon.” 

Tangan ang tasa ng tahô, sumingit ang isa pang mirón: “Kung makasalita laban sa korapsiyon si Inday, akala mo pagkalinis-linis nung nasa kapangyarihan ang tatay niya. Huwag ninyong kalimutan ‘yung bilyon-pisong bulsahan ng Pharmally. Lugmok na nga ang buong mundo sa COVID, may kalokohan pa silang ginagawa. Tapos nagtangkang tumakas ang ilan sa mga kasabwat. Saan napigilan at nahuli? Sa Davao City.”

Malamang itong mga pagliban ni Sara Duterte sa mga sesyón ng House committee on justice ay payo ng kanyang mga abogado de kampanilya. Dapat lang namang makinig siya kasi nga ginagastusan niya ang depensa niya. At ang primera klaseng serbisyo nila ay, ‘ika nga sa Ingles, “the best money can buy.” Kung para sa depensa niya, maaaring tama itong mga pasya ng grupo ni Duterte.

Pero sa tambay na ito, at sa mga karaniwang botante tulad ko, medyo hindi sakto sa hulog ang mga galaw ni VP. Kung sa laban ng boxing, puro yabang lang pala, walang suntok na matindi, tapos ilag naman nang ilag. 

Totoo ba ang mga bintang ng mga nagsampa ng kaso sa Kamara? Mahalaga sa amin iyan. Dahil nga gusto niyang maging presidente ng Pilipinas. Sagutin niya o kaya’y managot siya. 

BASAHIN DIN SA RAPPLER

May nakakuwentuhan ang tambay na ito na isang mahilig magmatyag sa mga pag-ínog ng politika. Pabiro niyang sinabi na nakita niya sa kanyang bolang kristál na hindi aabot sa Senado itong ikalawang impeachment ni VP Sara. Hindi naman sugo ni yumaong si Madam Auring itong kausap ko, pero sigurado raw siya sa hula niya. 

Sa kanyang sapantahà, papasa sa House justice committee ang mga reklamong impeachment. “Palulusutin ‘yan doon.” Pero hanggang doon na lang daw ito. Pagdating sa plenaryo ng Kamara, titírik daw ang committee report dahil kakapusin sa boto. Sa madaling salita, kulang sa kinakailangang one-third ng plenaryo ang boboto ng pabor sa impeachment. 

Kung inaakala ninyo na may buwélo na ang ipinoprosésong impeachment, nagkakamali kayo, ‘ika nung kausap ko. Doon sa plenaryo matitísod at hindi na makakabangon. 

Napatangô ako. Napansin ko na rin kasi na mayroong pahayag ang ilang partido sa Kamara na tila naninimbang or nakikiramdam ang mga ito. Sa kinasamaang palad, may mga politikong hindi naghahanap ng katotohanan. Wala rin silang pakialam kung may korapsiyon o wala sa gobyerno. 

Nung napagtantô ng tambay na ito na baka nga tama ‘yung kausap kong “orákuló,” hindi na natin makikilala ng lubusan si VP.  Hindi na makikilatis kung totoo o kasinungalingan ang mga paratang sa kanya. Nakakalungkot naman.

Kung ambisyon ni VP Sara ang magpresidente at tapat ang kanyang hangaring maglingkod, harapin niya ang mga bintang. Magsabi siya ng totoo. 

Dahil kung magiging presidente ka, mas mabibigat pang problema ang makakaharap mo. Bitbit mo ang sambayanang Pilipino, kaya ipakita mo ‘yung tapang at kakayahan mong salubungin ang unos. Aasa kaming marunong kang lumutas ng problema, hindi ‘yung puro mura, joke, at patayan lang tulad nung panahon ng tatay mo. 

Huwag mong siraan ang Diyos. Pero huwag ka rin magpanggap na nagsisimba o pumapasok sa simbahan para lang sa campaign purposes. Sa madaling salita, magpakatotoo ka, pero kung nasa puso mo ang magbago, aba mas okay ‘yan.

Da surv ng Pilipino, kahit ‘yung mga nasa laylayan, ang magkaroon ng matitinong lider. 

Kung sakaling pagbigyan ka ng Korte Suprema at mabusalan na naman ang Kamara, o kaya’y ibasura nga ng plenaryo ng Kamara ang panukalang impeachment laban sa iyo, wish lang naming mga nasa laylayan na sana’y madinig pa rin ang paliwanag mo.

Mabigat bang sakripisyo iyon? Makipag-debate ka nang live, humaharap ka sa media at sumagot ng mabibigat na tanong kahit hindi ka kampante sa nagtatanong. Mga pasang-krus ba sa iyo ang nabanggit? Marahil, pero ang bigat din naman kasi ng inaambsiyon mo. 

Kapag nagkamali na naman kaming nga karaniwang tao, magiging parang anim na taong Biyernes Santo na naman ang buhay namin. – Rappler.com

Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.

Read Entire Article