[Tambay] Manny Pacquiao: Hindi natalo, hindi nanalo

4 hours ago 3
Suniway Group of Companies Inc.

Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!

Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.

Visit Suniway.ph to learn

 Hindi natalo, hindi nanalo

DRAW. Manny Pacquiao poses with his training staff after earning a draw against Mario Barrios at MGM Grand Garden Arena. July 19,2025.

Stephen R. Sylvanie-Imagn Images

Kung nanalo sana ni Pacman, mayayanig ang international boxing sa makasaysayang tagumpay. Pero wala na siyang kailangang patunayan.

Sabado, July 19, bisperas ng pagbabalik-boksingero ng retiradong si Manny Pacquiao, ang lakas ng buhos ng ulan sa Kamaynilaan. Sa Las Vegas sa US, ang bakbakan nila Pacman at World Boxing Council welterweight champion Mario Barrios. Pero, sabi nga ng matatanda, suwerte ang dala ng buhos ulan sa mga special occasion.

At parang ganun na nga ang nangyari sa MGM Grand sa Vegas. Hindi natalo ang bata natin. ‘Yun nga lang, hindi rin siya nanalo. Ang official na pagtatapos ay majority draw pabor kay Barrios. Nagkaganoon dahil draw o patas ang iskor ng dalawang hurado, pero sa ikatlong hurado, lamang sa points si Barrios. 

Kung nanalo sana ni Pacman, mayayanig ang international boxing sa makasaysayang tagumpay. Bukod sa katandaan, at dagdag-boxing title, kung nagtagumpay si Pacquiao, siya pa lang sana ang nahirang sa Boxing Hall of Fame ang umalis sa pagkaretiro at nanalo pa ulit ng bagong titulo. (LIVE UPDATES: Manny Pacquiao vs Mario Barrios – WBC welterweight title)

Gayumpaman, masama pa ba ‘yun? Mas bata at hamak na matangkad ang kampeon kay Pacman — 46 anyos si Manny at lagpas 70 na beses nakipaglaban bilang professional boxer, samantalang si Barrios na hari ng welterweight division at edad 30 ay nakaka-32 pro fights na. Mas matangkad si Barrios, six-footer; si Pacman 5-foot-5. Bukod doon, apat na taong nagpahinga at hindi lumaban nang seryoso si Manny.

Kahit sa mga sugarol sa Las Vegas, na kapitolyo ng mga sugalan sa USA, dehádo ang Filipino icon. Sa madaling salita, ang tingin ng mga pupustá, hahalik sa lona at matatalo si Pacman. Praktikal lang sila.

Pero tumagal nang 12 rounds si Pacman. At may mga pagkakataon, sa middle rounds ng laban nila ni Barrios, parang may pag-asang manalo si Pacquiao.

Natural, naging excited ang mundo ng boxing sa resulta, lalo na sa mga sugalan at sugarol sa Las Vegas. Nabanggit nga ni Pacquiao dun sa post-fight press conference niya na ika-16 na niyang laban sa MGM Grand Arena. 

Pero may ibinulong sa akin ang isang tagamasid na malapit kay Pacman ngunit hindi kasama sa “inner circle” ng Team Pacquiao. Sabi niya, wala nang kailangang patunayan si Pacquiao, walang dudang isa siya sa “greatest boxer of his era.” Pero mapanganib na raw sa kanyang kalusugan ang makipagbakbakan sa ganyang edad.  

Ang sabi ng tagamasid, meron daw talagang mga sumusulsol kay Pacman na lumaban pa, at huwag makinig sa mga pumipigil. Mga wala raw itong pakialam kung mapanganib na sa Filipino icon ang patuloy na pakikipagboksing sa level na ‘yan. Sabi niya, kumikita raw ang mga kumag tuwing lumalaban si Pacman.

Napanood ko sa Youtube ‘yung post-fight interview nila Pacman at Barrios. At ganyang-ganyan ang hitsura ng mga boksingero pagkatapos ng mga matinding bakbakan, tulad ng pinagdaanan nila. Lalo pang mamamaga ang mukha nila. At, ilang araw lang, mangingitim na ang mga pasa. Maaaring medyo nanlalabo pa ang tingin nila. Nabanggit ko na noong nakaraan ang pag-ihi ng dugo ng mga boksingero tuwing katatapos ng laban nila, dahil sa bugbog na inaabot ng mga bodega o laman-loob nila tulad ng kidney. 

Maidagdag ko d’yan ‘yung, tuwing pagkatapos ng laban, kadalasa’y may celebration o party sila. Oo naman, dapat lang magsaya sila sa katatapos lang na laban. Pero ang isa pang mas mahalagang dahilan ay ang payo ng mga doktor na huwag patutulugin ang mga boksingero tuwing katatapos lang ng laban.

Itinuturing kasing mistulang pasyente ng head trauma ang mga boksingerong katatapos lang sa laban. Tulad ‘yan ng taong nabagok at dinadala sa Emergency Room. Ang laging payo ng mga doktor sa ganyan pangyayari ay huwag patutulugin ang pasyente. Under observation ang pasyente. At ganun din sa mga boksingero — binabantayan ng medical team kung ano ang epekto sa ulo nila ng maraming mala-maso na suntok. Hindi matututukan ang mga pinagdadaanan ng pasyente o boksingero kung makatulog sila. Baka nga masama pang sintomas ng problema ng nabugbog na utak iyang makakatulog.

Pero, para sa tambay na ito, very good na ang resulta ng laban ni Pacman.

Medyo inalat ang tinaguriang people’s champ ngayong taon na ito. Una na diyan ‘yung lagapak nila sa pulitika. Halos knocked out ang pamilya Pacquiao nung eleksiyon nung Mayo. Hindi na rin nakabalik sa Senado si Manny.

Tapos, sa sarili niyang bayan sa General Santos City, ni hindi alam ng mga kababayan nila na may laban si Pacman. Dedma na ba o sawa na sila? (BASAHIN: In Pacquiao’s bailiwick, silence greets his ring return)

Nung araw, nung rurok ng kasikatan ni Pacman, tumitigil ang ikot ng mundo sa Pilipinas. Sa US daw, ‘pag laban ni Pacman, may impromptu parties ang mga Filipino community — potluck kainan at inuman habang nanood ng laban ni Pacquiao.

Sa Kamaynilaan, nung mga panahong iyon, ang bida ng mga tao ay bumababa ang insidente ng krimen. Hindi ko lang matukoy kung ang kawalang ng krimen ay dahil nanood ng laban ni Pacquiao ang mga kriminal, o ‘yung mga pulis na dapat manghuli ay abalang nag-e-enjoy ng bakbakan ni Pacman.

Nitong Linggo, araw ng comeback fight, wala ni isa akong nakausap na nagbanggit ng laban ni Pacquiao. Parang hindi nila naalala o nakalimutan nilang may laban si People’s Champ. Mas umikot ang mga kuwentuhan ng karamihan doon sa malakas na pag-ulan at saang mga lugar ang may baha. Mas interesado ang madla na malaman kung saang mga lugar walang pasok. – Rappler.com

Read Entire Article