
Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!
Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.
Visit Suniway.ph to learn
Nagkalat ang mga higanteng 'Salamat sa pagtitiwala' na poster ng mga politikong wala namang nakalaban. Pero sabi ng mga numero, kumonti na ang naghalal sa kanila.
BABALA: Totoong mga tao at lugar ang nakasulat dito at hindi kathang-isip. Pero dahil mga kapitbahay ko sila, hindi ilalantad ang mga pangalan nila. Bahala na ang bato-bato sa langit.
“Maraming salamat sa inyong muling pagtitiwala.”
Sigurado akong nakapaskil sa maraming lugar dito sa Pilipinas ang mga tarpaulin o higanteng poster na meron ganitong mensahe. Baka nga sa mga mas progresibong mga lungsod, nasa mga mamahalin at dambuhalang LCD pa ito, ibinabandera ang ginintuang ngiti ni mayor o mayora, cong o kaya gob.
Can’t-miss-this ‘yan sa mga munisipyo at city hall. Mga taos-pusong pasasalamat dahil reelected sila.
‘Yun nga lang, sa lungsod namin ang katotohanan ay…walang choice. Wala kasing lumaban o naglakas loob na bumangga sa mga incumbent na karamiha’y magkakamag-anak.
Isang mag-anak silang tumakbo sa mga puwesto. Meron lang token position na ibinigay sa kaalyado — pakonsuwelo, ‘ika nga. Dito sa amin, ang puwestong vice mayor ang isinuko ng pamilyang naghahari. Sa lugar ninyo, ganun din ba?
Ganunpaman, wala rin nagtangkang bumangga sa mga mas nakatataas na posisyon ng mga local executives. Mayroon ding nakapuwestong mga kaanak sa konseho at pati rin sa barangay.
Ang pinaka-punchline ay nakasungkit pa ng puwesto sa Kongreso ang isa pa nilang kaanak sa pamamagitan ng party list. Ayos, halos lahat ng butas na maaaring masuksukan, nasuksukan na nila.
Pero hindi lang naman sa bayan namin talamak ang ganitong sistema — political dynasty kung tawagin sa Ingles. Sa maraming sulok ng Pilipinas, pami-pamilya ang nagpapasalamat sa “muling pagtitiwala” ng kanilang mga kababayan. Huwag ka nang lumayo kung taga-Kamaynilaan ka — buhay na buhay ang family business na ito. (BASAHIN: Dynasties continue to thrive in Metro Manila)
Pero nagtiwala nga ba ulit tayong mga botante?
Sinilip ko ang resulta ng botohan dito sa lungsod namin. (Tingnan ang resulta ng iba pang local races sa Rappler #PHVote site.) Oo nga, nanalo ‘yung naghaharing pamilya sa lungsod namin. Pero, kung tama ang basa ko, may mga presintong hindi man lang umabot sa kalahati ng qualified voters ang sumubok bumoto sa kanila.
Medyo napakamot ng baba ang tambay na ito. Baka naman nagkatamaran lang? Marahil. Siguro. Kasi nga, kung tutuusin, dahil walang kalaban, isang boto lang naman kailangan, panalo na.
Pero kung nagkatamaran nga, bakit ‘yung isang kaanak na tumakbo sa nasyonal na puwesto ay hindi man lamang nag-No. 1 sa siyudad namin? Ang dapat, di ba, ay buo ang suporta sa kanya sa kanyang balwarte? Bitbit ni Kuya ang ginintuang apelyido dito sa siyudad na tinubuan namin. Ngunit may mga nakalaban siyang higit pa ang nakuhang boto kaysa sa kanya rito.
Habang nakatingala sa kisame, ganito naisip ng tambay: Kapag pala may pagpipilian, hindi ang naghaharing pamilya ang pipiliin ng mga kalungsod ko. Maaari palang matuldukan ang mga political dynasty. Nalulubugan din pala sila ng araw. (BASAHIN: [Local Vote] How to vote against unopposed dynasties)
Ang sa akin kasi, unfair sa taumbayan ang sitwasyon. Sa pag-iral ng mga pamilyang naghahari o politcal dynasties, parang ang lumalabas ay sila lang ang may kalipikasyong manilbihan. Pero, ang totoo, ang unfair ay ‘yung katotohanang ang mapera lang ang may kakayahan at makinarya na tumakbo sa pampublikong puwesto. Walang kinalaman dito ang gilas, dalisay na hangarin, at tunay na abilidad maglingkod.
Naisip ko pa nga, doon sa mga posisyon isang pangalan ang pipiliin, hindi pagpili ‘yun. At lalong hindi ibig sabihin noon na siya lang ang magaling o mapagkakatiwaalan o nakakaalam ng puso’t damdamin ng mga botante. Para ngang maaaring nawalan na ng pag-asa ‘yung mga nais sanang maglingkod. At ‘yung mga libo-libong nakatala na “under votes” sa website ng Comelec sa mga posisyong iisa lang ang kandidato, maaaring paraan din para masabing “Ayaw ko na,” o kaya’y “‘Yan na naman, huwag na lang.” Sa madaling salita, maaaring ang “under vote” sa single candidate choice ay “no vote.”
Meron akong paboritong ikuwento kapag nagagawi ang usapan sa mga political dynasty. Naaalala ko ang ganitong eksena dahil minsan nakadalo ako sa high school graduation ng isang pamangkin ko na nag-aral sa isang pampublikong paaralan dito sa lungsod namin. Proud kaming sumipot dahil halos 2,000 ang gradweyt, at salutatorian ang probinsiyana kong pamangkin.
Sa dami ng gradweyt, hinati sa dalawa ang seremonya — pang-umaga at pang-hapon. Si mayor ang panauhing pandangal sa parehong seremonya, hindi pa kasi uso ang widescreen noon.
Hindi ko na maalala ang talumpati ni Mayor. Pero sa guni-guni ng mga tambay na tulad ko, maaaring ganito ang mas angkop na sabihin ni Mayor:
“Kabataan ang pag-asa ng bayan, at ang mga magtatapos sa araw na ito ay punong- puno ng pag-asa. Gamit ang natutuhan at mga matututuhan pa ninyo, abutin ninyo ang mga pangrap ‘nyo. Malay natin, baka ngayon araw na ito, dito sa graduation na ito, na’ndito ang susunod na presidente ng Pilipinas.”
Saka ko naisip, oo nga, maaaring maging pangulo ang isa sa mga batang nandun sa graduation.
Pero parang mayroong hindi nasabi si mayor — at siguro pati ‘yung ibang mga mayor o mayora, congressman, at kagawad sa iba’t ibang lugar sa bansa:
“Kung hindi kayo kaapelyido o kamag-anak ng naghaharing pamilya sa bayan o lungsod ‘nyo, malabo kayong maging mayor, mayora, vice mayor, congressman dito.”
At doon sa mga nagkalat na tarpaulin, ang masasabi ko’y, “Walang anuman po, mga politiko.” Bagama’t nanalo lang sila kahit marami-rami na rin ang hindi na nagtitiwala. – Rappler.com