
Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!
Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.
Visit Suniway.ph to learn
Already have Rappler+?
to listen to groundbreaking journalism.
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Mag-ingay at magbantay! Huwag palampasin ang pag-uurong-sulong ng Senado at ng Palasyo.
Ngayong Lunes, Hunyo 2, ipepresenta dapat ng Senado ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Iyon sana ang simula ng proseso ng paglilitis dahil kasunod noon ay ang pagpapadala ng summons sa mga may kinalaman sa kaso. Pero ilang araw bago ito, biglang iniurong ni Senate President Chiz Escudero ang kalendaryo — sa Hunyo 11 na lang daw.
Ang dahilan ni Escudero, maraming mga panukalang batas na mas kailangang asikasuhin. Noong Pebrero naman, ang dahilan niya ay naka-recess ang kapulungan kaya tumanggi siyang tipunin ang Senado bilang impeachment court, kahit na sinasabi ng Konstitusyon na “kaagad” dapat simulan ang paglilitis pagkaraang isakdal ng Mababang Kapulungan si VP Duterte.
Bakit hindi lalakas ang loob ng pinuno ng Senado na idribol ang trial? Mismong si President Ferdinand Marcos Jr. ay todo-hugas ng kamay at pagdistansiya sa usaping ito. Nobyembre pa lang, sinabi na ng Pangulo na hindi siya sang-ayon na i-impeach ng Kamara (na pinamumunuan ng pinsang buo niya!) si Sara. Aniya, “Hindi naman ito ikabubuti ng buhay ng kahit isang Pilipino.” Nitong nakaraang linggo lang, inulit niya na naman: kahit kailan ay di niya ginusto ang impeachment ng Bise Presidente.

Ipaalala lang natin sa dalawang lider na ito: Ayaw ’nyo nga, pero gusto ng taumbayan.
Sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations para sa Stratbase Group bago mag-eleksiyon, sinabi ng karamihan sa respondents — 88 porsiyento — na dapat harapin ni VP Sara Duterte ang mga paratang sa kanya sa impeachment trial. Dapat anilang sagutin nito ang lahat ng alegasyon ng korupsiyon.
Sabi pa ng 81 porsiyento, magtrabaho na lang si Sara at tigilan ang pamumulitika. At puwede bang tigilan na rin niya ang pagbatikos sa gobyerno at mga hakbangin nito, sabi naman ng 74 porsiyento?
Ano ang ibig sabihin ng napakalakas na sentimyentong ito ng mamamayan?
Interpretasyon ni Dindo Manhit, presidente ng Stratbase: “Accountability is not an option. It is foundational to public trust. Prominent leaders like the Vice President should look past politics and personal interests, and respond to the people’s call for transparency. It is about time for her to answer all the allegations filed against her. After all, it’s the Filipino people who our elected officials vowed to serve.”
(Ang pananagutan ay hindi maaaring pinipili lang. Nakabatay dito ang responsibilidad sa publiko. Kapag humihingi ng paliwanag ang taumbayan, isantabi dapat ng matataas na lider na katulad ng Bise Presidente ang politika at pansariling interes. Panahon na para sagutin niya ang mga alegasyon laban sa kanya. Kasama iyan sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino na sinumpaan ng mga halal na opisyal.)
Sa ano-ano bang umano’y paglabag sa Konstitusyon pinananagot si VP Sara?
- Pagbabanta niyang ipapatay sina President Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez
- Ilegal na paggasta ng P612.5 milyong confidential funds Vice President at kalihim ng Department of Education
- Panunuhol sa mga opisyal ng DepEd
- Hindi maipaliwanag na kayamanan
- Pagkasangkot sa mga patayan sa Davao City nang siya ay alkalde, ayon sa affidavit ng hired gun na si Arturo Lascañas
- Pagkasangkot sa mga panggugulo at pag-aalsa laban sa pamahalaan nang hindi niya sinipot ang ikatlong State of the Nation Address ni Marcos, nang ipagtanggol niya ang wanted na preacher na si Apollo Quiboloy, at nang pagsabihan niya ang mga tauhan na suwayin ang Kongreso kapag ipinatawag sila kaugnay ng mga imbestigasyon
Nakalatag na ang lahat ng kinakailangan para ituloy — sa lalong madaling panahon — ang paglilitis kay VP Sara: mabibigat na paratang sangkot ang kaban ng bayan at tungkol sa katapatan niya sa tungkulin at sa bayan, dumaan sa tamang proseso sa Kamara, at hinihingi ng taumbayan.
Sa madaling sabi, ang opinyon nina Marcos at Escudero ay ingay na lang. Hindi kailangan. Ang pag-uurong-sulong nila tungkol dito ay katumbas ng pagharang sa katotohanan at hustisya. At ang paggamit nila sa impluwensiya ng kanilang posisyon para ipitin o iantala ang proseso, sadya man o hindi (pero sino’ng niloloko natin?), dapat ituring na pagtataksil sa taumbayan. (Kung tutuusin, paglalaglag din ito sa mga kongresistang nagtaya ng puhunang politikal nang bumoto silang i-impeach ang Bise Presidente.)
Mag-focus tayo sa Pangulo, na anumang sabihin o ikilos, hayag man sa publiko o sa backroom talks, ay magiging senyales hindi lang sa senator judges kundi sa taumbayan: Ano ba ang ipinanghihina ng tuhod ng Pangulo?
Natatakot ba siyang masumbatan na hindi rin naman siya malinis? Ngayon pa? Ilang dekada na ngang sinasangga, at nasasangga, ng pamilya niya ang kabi-kabilang kaso ng ill-gotten wealth. Pinangatawanan na nga niya noong 2022 campaign na wala silang maisasauli.
Nasisindak ba siya sa mga palabas ni Sara, na nagsasabing mas gusto niyang malitis ng impeachment court para “dumanak ang dugo”? Nangangamba ba ang Pangulo na ipahiya siya ng bilang ng mga senador na poprotekta kay Sara? Balikan, at gayahin, niya ang diskarte ng yumaong presidenteng Noynoy Aquino nang ipina-impeach nito si Chief Justice Renato Corona: diniinan, ipinagpilitan, pinanindigan kung ano ang kailangan.
Oo, hindi mapaghanap ng gulo ang Pangulo, alam natin ang personalidad niya. Pero, mahal na Pangulo, hindi naman ito tungkol sa inyo. Hindi ka pribadong tao — sumumpa kang lider ng sambayanang Pilipino. May pananagutan ka sa publiko na hindi mo maaaring bitiwan o talikuran. Embrace that — at nang makita na rin ng mga kung sino mang duwag, makasarili, o oportunistang senator judges kung saan sila dapat lumugar.
Remember: 88 percent, halos 9 sa bawat 10. ’Yan ang mga Pilipinong nasa likod ninyo sa usaping ito. – Rappler.com
How does this make you feel?
Loading